Monday, 16 May 2016

Sa Isang Iglap

Parang kailan lang nang ipinangako natin sa isa’t-isa na walang susuko kahit anong problemang dumating. Kahit pa hindi ako gusto ng mga kaibigan mo at pinagbawalan akong manligaw ng tatay mo. Hindi ako sumuko dahil naniniwala akong kapag mahal mo ang isang tao, ipaglalaban mo. Hindi rin naging hadlang ang ating mga pangarap para ipakita kung gaano natin kamahal ang isa’t-isa. Kahit pa magkaiba na tayo ng pinapasukang paaralan dahil lumipat na kayo ng bahay. Tinitipid ko ang baon ko para makapunta sa Bulacan kahit sa Malabon pa kami nakatira. Hindi ako naniniwala sa long distance love affair noon pero nagbago ‘yon nang makilala kita. Mas gugustuhin ko pang magkahiwalay tayo pero nagmamahalan  kaysa maging masaya sa piling ng iba. Kahit mga bata pa tayo at alam kong marami pa tayong makikilalang iba, alam kong hindi na ako makakahanap pa ng katulad mo at ipinangako kong mag-aaral akong mabuti para sa kinabukasan nating dalawa.


Pero sa isang iglap ay biglang naglaho ang mga pangarap na iyon. Iyon lang ba ang halaga sa’yo ng pinagsamahan natin? Ganoon lang ba ako kadaling iwan? Dahil lang sa hindi tayo pareho ng kandidatong sinusuportahan ay tila nabalewala ang lahat ng pinagsamahan natin. Pareho naman tayong hindi botante. Pare-pareho lang kayo ng mga kaibigan kong nagalit sa akin at kinalimutan ang pagkakaibigan namin dahil hindi matanggap na hindi ko kayang suportahan ang kandidatong gusto nila. Pareho kayo ng kandidato mong baluktot mag-isip. Sana lang maging masaya ka sa desisyon mo. Siya nga pala, nanalo kandidato ko.

No comments:

Post a Comment